Nais paimbestigahan ng Makabayan Bloc sa Kongreso ang matinding pinsalang iniwan ng malakas na lindol sa mga pampublikong paaralan sa Mindanao.
Sa House Resolution No. 1123 na inihain nina Representatives Antonio Tinio, Sarah Elago, at Renee Co, iginiit ng mga mambabatas na suriin ang kahandaan at plano ng Department of Education upang hindi tuluyang madiskaril ang pag-aaral ng mga biktima ng kalamidad.
Batay sa inihain na resolusyon, nakababahala ang naging epekto ng lindol sa sektor ng edukasyon kung saan umabot sa 1,378 pampublikong paaralan sa anim na rehiyon ang napinsala.
Ayon kina Tinio, Elago, at Co, ang lawak ng pinsala ay nagpapakita ng pangangailangan para sa mas matatag na imprastraktura na magtitiyak sa kaligtasan ng mga estudyante at guro.
Nakasaad din sa resolusyon ang pagsasagawa ng komprehensibong audit sa mga paaralan sa buong bansa upang masuri ang structural integrity ng mga silid-aralan at matiyak na ligtas ang mga ito laban sa mga kalamidad sa hinaharap.