Magsasagawa ng magkasanib na pagdiriwang ng Pride Month ang Subic Bay Metropolitan Authority at Pamahalaang Lungsod ng Olongapo sa Hunyo 27 bilang pagpapakita ng suporta sa LGBTQIA+ community at pagsusulong ng pagkakaisa at inclusivity.
May temang “Celebrating Diversity, Inspiring Unity,” sisimulan ang selebrasyon sa isang makulay na Pride Parade na lalahukan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community, mga empleyado ng Subic Bay Metropolitan Authority, mga locator, at mga kinatawan mula sa 17 barangay ng Olongapo City.
Ayon kay SBMA Gender and Development Executive Committee Chairperson Jennifer Guiang, ikalawang pagkakataon na itong magsanib-puwersa ang Subic Bay Metropolitan Authority at Olongapo City para sa naturang selebrasyon.
Magsisimula ang parada sa Olongapo City at magtatapos sa Harbor Point Ayala Mall sa Subic Bay Freeport bilang simbolo ng patuloy na pagtutulungan ng dalawang institusyon.
Magkakaroon din ng iba’t ibang paligsahan kabilang ang TikTok Challenge, Most Creative Pride Walk Delegation, at Best in Costume.
Taong 2017 nang unang nakiisa ang Subic Bay Metropolitan Authority sa Pride Parade.