Kinilala ang Pilipinas bilang isa sa Top 5 Muslim-friendly destinations sa mga bansang hindi kabilang sa Organization of Islamic Cooperation (OIC), ayon sa Mastercard CrescentRating Global Muslim Travel Index (GMTI) 2026.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang Halal at Muslim-friendly tourism bilang mahalagang bahagi ng paglago ng ekonomiya, pamumuhunan, at regional integration. Bukod sa pagkakasama sa Top 5, kabilang din ang bansa sa Top 10 destinations sa buong mundo sa kategoryang Communications, habang itinanghal naman ang Mindanao bilang Most Promising Muslim-Friendly Region sa mga non-OIC destinations.
Kaugnay nito, sa pagbubukas ng SALAAM: The Halal Tourism and Trade Expo Philippines 2026, sinabi ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay na layunin ng programa na palawakin ang oportunidad para sa mga lokal na negosyo at komunidad, kasabay ng pag-akit ng mas maraming dayuhang turista.
Mula sa 17 Halal-certified accommodation establishments noong 2024, umabot na ito sa halos 70 establisimyento ngayong 2026. Patuloy ding pinapalawak ang mga serbisyong tumutugon sa pangangailangan ng mga Muslim travelers tulad ng Halal food options, prayer facilities, at specialized staff training.
Mananatili namang bukas sa publiko ang SALAAM: The Halal Tourism and Trade Expo Philippines 2026 hanggang Hunyo 21 sa Upper Ground Floor ng Gateway Mall 2 sa Araneta City, kung saan tampok ang iba’t ibang produktong Halal at serbisyong pangturismo mula sa iba’t ibang panig ng bansa.