Nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga mangingisda at marino na iwasan ang dalawang bahagi ng karagatan sa Hilagang Luzon dahil sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa nakatakdang rocket launch ng China sa Hunyo 23.
Ayon sa Coast Guard District North Eastern Luzon, ilulunsad ng People’s Republic of China ang Long March 7A rocket mula sa Wenchang Space Launch Site sa Hainan sa pagitan ng 10:02 hanggang 11:04 ng umaga, oras sa Pilipinas.
Inaasahang babagsak ang ilang bahagi ng rocket sa dalawang itinakdang drop zones sa karagatan malapit sa Ilocos Norte at Cagayan. Bilang pag-iingat, pansamantalang nilimitahan ng PCG ang paglalayag sa mga apektadong lugar at pinayuhan ang mga operator ng maliliit na sasakyang-pandagat na umiwas muna sa mga nasabing lugar habang isinasagawa ang rocket launch.
Binalaan din ng PCG ang publiko na huwag lapitan o galawin ang anumang kahina-hinalang debris na maaaring matagpuan sa dagat o dalampasigan dahil sa posibleng panganib nito.
Hinimok ng Coast Guard ang publiko na agad iulat sa pinakamalapit na istasyon ng PCG o lokal na awtoridad ang anumang kahina-hinalang bagay na mamataan, habang patuloy na mino-monitor ng ahensya ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga marino at mga komunidad sa baybayin.