Mariing inirekomenda ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa Kongreso na bumuo ng komprehensibong Juvenile Justice Act.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Remulla na napansin ng mga Kapulisan na ginagamit ng mga drug lord ang mga batang edad 14 bilang courier dahil alam nilang walang magiging kaso laban sa mga ito.
Ayon kay Remulla, isa ito sa mga nakikita niyang kahinaan o “infirmity” ng nasabing batas.
Sinabi rin ng kalihim na may mga pagkakataong alam ng ilang menor-de-edad na hindi sila maaaring makasuhan sa ilalim ng umiiral na batas. Dahil dito, iginiit niya ang pangangailangang repasuhin ang kasalukuyang batas.
Bagama’t wala pa siyang inirerekomendang partikular na edad, sinabi niya na handang makikipagtulungan ang DILG sa Kongreso para sa pag-amyenda ng Juvenile Justice Act.
Ani Remulla, mas mahalagang isaalang-alang ang “cognizance” at “intent” ng isang menor-de-edad kaysa edad lamang.