Kasabay ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Sulu, isinagawa sa punong-tanggapan ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 9B, ang turnover ng 195 high calibre firearms na isinuko sa pamahalaang panlalawigan at mga lokal na pamahalaan sa 19 na munisipiyo.
Sa pahayag ni Governor Abdusakur Tan II ng Sulu, indikasyon ito na ayaw na ng mga mamamayan ng Sulu sa kaguluhan at pakikiisa sa pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa buong probinsiya.
Matapos nito nagsagawa naman ng inspeksyon si PBBM sa bagong gusali ng RMFB 9B, ang tatlong palapag na gusali ay pinondohan ng aabot sa P180 million ng pamahalaan sa inisiyatibo ni noon gobernador at ngayon Vice Governor Abdusakur Tan, na siyang nagbigay din ng lupa na aabot sa 1.8 hectares at naglagay ng bakod sa paligid nito.
Malaking karangalan para sa kanila ani PLtCol. Sabri Lakibul, Force Commander ng RMFB 9B, ang pagbisita ni PBBM sa kanilang punong-tanggapan, gayundin sa pamahalaang panlalawigan ng Sulu sa patuloy na suporta sa kanilang hanay.
Tiniyak nito ang patuloy na suporta ng kanilang hanay sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayaan sa buong lalawigan ng Sulu.