Umarangkada ang ikalawang bugso ng pamamahagi ng libreng bigas para sa mga senior citizen sa ilalim ng programang “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang” sa lungsod ng San Juan.
Pinangunahan ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang pamamahagi ng bigas sa FilOil EcoOil Centre, na sabay ring inilunsad sa iba pang lungsod sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Aabot sa 4,400 benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-10 kilong bigas sa San Juan sa ikalawang bugso ng pamamahagi. Kabilang sa mga ito ang isang 97-anyos na lalaki na siyang pinakamatandang benepisyaryo.
Kabuuang 8,898 senior citizen ang benepisyaryo ng programa sa San Juan City. Ang mga pangalan ng mga benepisyaryo ay mula sa listahang isinumite ng Association of Senior Citizens ng bawat barangay.
Sa loob ng apat na buwan, tatanggap ng tig-10 kilong bigas ang mga nakatatanda, simula Mayo hanggang Nobyembre.
Nabatid na layunin ng programa na maipakita ang pagtutulungan ng mga LGU at ng pambansang pamahalaan upang palakasin ang food security at matiyak ang direktang paghahatid ng tulong sa mga vulnerable sector.

