Temporaryong suspendido ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Bagulin, La Union dahil sa mataas na kaso ng dengue. Ito’y sa bisa ng Executive Order No. 42, Series of 2026 na linagdaan ni Bagulin Mayor Virgilio C. Flor.
Epektibo ito mula ngayong Hulyo 01, 2026 hanggang sa susunod na abiso.
Ipinag-uutos ang pagpapatupad ng modular learning at iba pang pamamaraan upang matiyak na tuloy-tuloy ang pag-aaral ng mga estudiyante sa kabila ng banta ng dengue.
Hinihikayat ng pamahalaang bayan ng Bagulin ang bawat residente na maging alerto at makipagtulungan upang masugpo ang dengue virus.
Batay sa impormasyon, mayroong isang Grade-12 student na babae na nasawi dahil sa dengue sa Barangay Tagudtud, Bagulin, La Union noong Hunyo 29, 2026.
Ayon kay Tagudtud Punong Barangay Melandro Canor, ang estudiyante ay residente ng Barangay Libbo ngunit nangungupahan ito sa Barangay Tagudtud at nag-aaral sa Tagudtud National High School.
Sa rekord ng Municipal Health Office ng Bagulin, naitala ang 178 na kaso ng dengue sa Bagulin, La Union mula Enero hanggang Hunyo 15, 2026 at pinakamarami dito ay mula sa Barangay Tagudtud.
Ayon naman kay Canor, mula Enero hanggang Hunyo 27, 2026 ay naitala ang 55 kaso ng dengue sa kanilang barangay.
Umapela ang Punong Barangay sa mga residente na makiisa at maging alerto upang masugpo ang dengue virus. | ulat ni Glenda Sarac | RP Agoo
📷 LGU-Bagulin, La Union