Pinagkalooban ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng indibidwal na titulo ng lupa ang walong Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa Catanduanes sa isinagawang pamamahagi ng mga titulo ng lupa, Certificates of Condonation with Release of Mortgage, at Farm Support Services kahapon, June 30 sa Ibalong Centrum for Recreation sa Legazpi City.

Bahagi ang walong benepisyaryo sa mahigit limang libong ARBs mula sa pitong lalawigan ng Bicol na nakatanggap ng iba’t-ibang suporta sa ilalim ng programa ng DAR.
Ayon sa ahensya, ang mga magsasaka mula sa Catanduanes ay matagal nang nagsasaka sa mga lupang ipinagkaloob sa kanila, kung saan karamihan ay mahigit tatlong dekada nang naghihintay bago tuluyang maipagkaloob ang legal na titulo ng kanilang mga sakahan.Bukod sa pamamahagi ng mga titulo, dalawa pang ARBs mula sa lalawigan ang tumanggap ng Certificates of Condonation with Release of Mortgage, na nagpapatunay na pinawalang-bisa na ng pamahalaan ang kanilang natitirang pagkakautang sa lupa.
Ayon sa DAR, layunin ng programa na tiyakin ang seguridad sa pagmamay-ari ng lupa ng mga benepisyaryo habang patuloy na ipinagkakaloob ang mga suportang makatutulong sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan at pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa natanggap na tulong. Ayon kay Gloria T. Araojo ng Barangay Bagawang, Pandan, nagdulot ng kapanatagan ang pagkakaloob ng titulo sa lupang matagal na niyang sinasaka ngunit hindi pa niya dating maituturing na sarili.

Samantala, sinabi naman ni Ely S. Fernandez, isa sa mga tagapagmana ng lupain mula sa kanyang mga magulang, na magsisilbing proteksyon sa kanilang sakahan ang natanggap na titulo at makatutulong ito sa kanilang komunidad.
📷 DAR Catanduanes