Naglatag ng panibagong operation strategy ang Philippine National Police (PNP) sa ikalawang araw ng kilos protesta ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC), ngayong Miyerkules, July 1.
Ito ay upang hindi na maulit ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko na naranasan kahapon kung saan maaapektuhan ang napakaraming komyuter at mga manggagawa.
Dahil dito inatasan ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez, Jr. ang National Capital Region Police Office (NCRPO), ang Quezon City Police District (QCPD), at iba pang kaugnay na yunit na ganap na ipatupad ang mga inaprubahang plano.
Ayon sa PNP, nakatuon ang operasyon sa pagpapanatili ng kaayusan, pagtiyak sa kaligtasan ng publiko, at pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko, habang iginagalang ang karapatan ng mga mamamayan na magsagawa ng mapayapang pagtitipon.
Naglabas ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon ng permit na nagpapahintulot sa pagdaraos ng rally sa White Plains Avenue mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi ngayong July 1.
Nakasaad sa permit, na dapat manatili ang mga organizer sa itinakdang lugar at oras, sumunod sa batas, huwag hadlangan ang mga operasyong pangseguridad ng pulisya, iwasan ang ganap na pagsasara ng mga kalsada, at panatilihin ang kalinisan.