Nagbabala ang United Nations (UN) na maaaring umabot sa $3.6 billion ang magiging epekto ng kasalukuyang Ebola outbreak sa ekonomiya ng Africa, at magdudulot ng pagkawala ng humigit-kumulang 328,000 trabaho kung hindi agad mapipigilan ang pagkalat ng sakit.
Sa tala ng pamahalaan ng Democratic Republic of Congo, umabot na sa 1,307 katao ang nahawahan ng sakit at 377 ang nasawi mula nang ideklara ang outbreak noong May 15.
May naitala na ring ilang kaso sa Uganda, habang nagbabala ang mga eksperto na maaari pang kumalat ang virus sa mga karatig-bansa tulad ng South Sudan.
Ayon kay Damien Mama, resident representative ng United Nations Development Programme o UNDP sa Congo, maaari pang makontrol ang outbreak kung agad na maibibigay ang kinakailangang suporta at pondo.
Gayunpaman, sinabi niyang kung mabibigo ang mga bansa na mapigilan ang pagkalat ng sakit, maaaring mauwi ang health emergency sa mas malalim at pangmatagalang krisis sa pag-unlad ng rehiyon at maging ng buong Africa.
Batay sa tatlong senaryong inilatag ng UNDP, tinatayang aabot sa $1 billion ang magiging pinsala sa gross domestic product o GDP ng Congo kung mananatiling kontrolado ang outbreak sa Congo at Uganda.