Umarangkada na ang Phase 2 ng rehabilitasyon ng EDSA matapos simulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang road repair works 10:00 kagabi ng Hulyo 3, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagandahin at gawing mas ligtas ang pangunahing lansangan para sa mga motorista, komyuter, at pedestrian.
Saklaw ng proyekto ang mga piling bahagi ng EDSA mula Orense sa Makati hanggang Monumento sa Caloocan at tatagal hanggang Hulyo 23. Isasagawa ang asphalt overlaying tuwing 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw sa mga karaniwang araw, habang ang asphalt overlaying at concrete reblocking ay isasagawa mula Biyernes hanggang Lunes sa parehong oras. Magpapatuloy rin nang 24 oras ang drainage at sidewalk improvement works na bahagi ng unang yugto ng rehabilitasyon.
Magkakaroon ng mga road works sa northbound at southbound bus lane at ilang traffic lanes sa Guadalupe at Caloocan, kabilang ang rotomilling at asphalt overlaying sa nakatakdang mga petsa ngayong Hulyo.
Nilinaw ng DPWH na partial lane closure lamang ang ipatutupad sa mga apektadong lugar at mananatiling bukas ang iba pang linya ng kalsada. Pinapayuhan naman ang mga motorista na maglaan ng dagdag na oras sa biyahe at gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng trapiko.