Mahigit kalahati na ng kabuuang digital payment volume ng mga negosyong gumagamit ng PayMongo ang gumagamit na ng QR Ph, ayon sa pinakahuling datos ng kumpanya.
Batay sa ulat ng fintech company na PayMongo, umabot na sa 55% ng kabuuang payment volume ang gamit ang QR Ph sa first half ng 2026, mula sa 16% noong nakaraang taon. Katumbas ito ng mahigit 510% ng paglago sa loob lamang ng isang taon.
Samantala, bumaba sa 19% ang bahagi ng card payments, habang nasa 21% naman ang e-wallets. Ayon sa kumpanya, 9 sa bawat 10 transaksyon ay isinasagawa na gamit ang QR Ph at e-wallets, patunay ng lumalakas na paggamit ng mobile-first payment systems.
Naitala rin ng PayMongo ang halos 10 milyong successful transactions mula Enero hanggang Hunyo 2026, 89% mas mataas kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Lumago rin ng 93% ang bilang ng mga merchant na gumagamit ng kanilang platform.
Mahigit tatlong beses din ang itinaas ng mga in-store QR Ph transactions, habang patuloy na dumarami ang maliliit na negosyo na tumatanggap ng digital payments.
Ayon sa PayMongo, sumasalamin ang mga pagbabagong ito sa patuloy na digital commerce sa bansa at umaayon sa layunin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na palawakin ang paggamit ng digital payments sa buong Pilipinas.