Nagdeklara ng all-out war laban sa smuggling ang Bureau of Customs (BOC) kasabay ng pagsisimula ng ikalawang taon ni Commissioner Ariel Nepomuceno sa pamumuno ng ahensya. Kasabay nito ang mahigpit na pagpapatupad ng one-strike policy laban sa mga tiwaling kawani.
Ayon kay Nepomuceno, mas paiigtingin ng BOC ang operasyon laban sa mga smuggler, kasunod ng mga kamakailang pagkakasabat ng bilyong pisong halaga ng iligal na sigarilyo. Inatasan din niya ang lahat ng collection districts na palakasin ang intelligence gathering, risk profiling, at enforcement operations, katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy, Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at iba pang law enforcement agencies.
Binigyang-diin din ng komisyoner na patuloy na nagbabago ang mga taktika ng mga smuggling syndicate, kaya kailangan ding maging mas mabilis, mas matalino, at mas mahusay ang koordinasyon ng ahensya. Kabilang din sa mga prayoridad ang modernisasyon, digital transformation, at pagpapalakas ng kakayahan ng mga tauhan nito.
Nagbabala rin si Nepomuceno na agad na mapapatawan ng aksyon ang sinumang kawani ng Bureau of Customs na masangkot sa katiwalian o smuggling. Hinikayat din niya ang publiko na makiisa sa kampanya laban sa iligal na kalakalan sa pamamagitan ng Isumbong Kay Commissioner platform (https://isumbongkaycomm.customs.gov.ph/) upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas.
