Naging produktibo ang pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa iba’t ibang korporasyon sa Canada sa nagpapatuloy na official visit nito sa Vancouver.
“I am pleased to report that these engagements have advanced concrete commitments and investment opportunities, particularly in the areas of mining and critical minerals, IT, BPM, business processing, and other emerging industries that are likewise aligned with Canada’s economic priorities as well. Ano po ang kahalagan nito?” ani Pangulong Marcos.
Isa sa mga nakapulong ng Pangulo ay ang mga kinatawan ng OceanaGold Corporation.
Isa itong Canadian mining company, na nakikitang magpapalakas sa mining ecosystem ng Pilipinas.
Plano kasi nitong palawigin ang operational life ng world-class Didipio Gold-Copper Mine hanggang 2037, kasabay ng muling pagsisiguro na imi-minimize ang environmental footprint ng kanilang operasyon sa Nueva Vizcaya at Quirino.
Ngayong araw, nakapulong rin ng Pangulo ang B2Gold Corp, na isa ring Canadian mining company at Filminera Resources Corp. na nagpapatakbo naman sa Masbate Gold Project.
Nagpahayag ng commitment kay Pangulong Marcos ang mga kumpaniya para sa pag-gastos ng 14 million USD para sa expansion ng solar powerplant ng Masbate Gold Project at exploration programs.
Kasabay ng commitment na magbigay ng technical at exploration expertise, upang mapag-aralan ang posibileng oportunidad sa pagpapalawig ng mine life ng Masbate Gold Project.
Samantala, sa sidelines ng opisyal na pagbisita ng pangulo sa Canada, nakipag-pulong rin ito sa mga kinatawan ng NQX, kung saan natalakay ang planong business expansion program ng kumpaniya, na tinayang nagkakahalaga ng 10.3 million USD.
Para ito sa high-tech customer experience at software engineering operations, na layong palawakin rin ang Canadian footprint sa Pilipinas.
Ang mga pangakong pamumuhunan na ito, sa oras na magsimula na, lilikha ng maraming oportunidad at magbubukas ng maraming trabaho, para sa mga Pilipino.
“Para sa ating bayan, mas maraming trabaho at pagkakataong kumita ng maayos, mas maginhawang pamumuhay ng ating mga kababayan at mas matibay na ekonomiya para sa ating mga pamilya.” —Pangulong Marcos.