Dalawang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang boluntaryong nagbalik-loob sa pamahalaan at isinuko ang kanilang mga armas sa Masbate 1st Provincial Mobile Force Company sa Barangay Jamorawon, Milagros, Masbate.
Kinilala ang mga sumuko sa mga alyas na “James” o “Ranny,” 22-anyos, at “Biboy,” 38-anyos, na kapwa dating miyembro ng KLG North, SRC4 Masbate. Naging matagumpay ang kanilang pagsuko sa pamamagitan ng serye ng negosasyon, information campaign, at peace and development initiatives ng Masbate 1st PMFC, katuwang ang Milagros Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit ng Masbate Police Provincial Office, Advisory Council, at sa paggabay ni NAPOLCOM Provincial Officer Atty. Ralph Bermas.
Kasabay ng kanilang pagbabalik-loob, boluntaryo rin nilang isinuko ang isang M1 Carbine rifle at isang improvised shotgun.
Kasalukuyan silang sumasailalim sa debriefing at dokumentasyon at inihahanda ang kanilang enrollment sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), habang patuloy na hinihikayat ng kapulisan ang iba pang natitirang miyembro ng armadong grupo na samantalahin ang mga programa ng pamahalaan para sa mapayapa at produktibong pagbabalik sa lipunan.
📸 PNP Masbate