Puspusan na ang isinasagawang monitoring ng World Meteorological Organization (WMO) hinggil sa nabuo nang El Niño conditions sa Tropical Pacific at inaasahang mabilis pang lalakas sa mga susunod na buwan, na maaaring magpataas sa posibilidad ng heatwaves, tagtuyot, malalakas na pag-ulan, at iba pang extreme weather events sa maraming bahagi ng mundo.
Sa inilabas na datos ng WMO Global Seasonal Update, ipinakita ni WMO Secretary General Celeste Saulo ang mabilis na pag-usbong ng isang strong El Niño event mula Hulyo hanggang Setyembre 2026, batay sa forecasts mula sa mga pangunahing global centers na nagsasaad ng malaking pag-init ng ocean temperatures sa Central at Eastern Equatorial Pacific.
Inaasahang lalampas sa 2°C ang seasonal-average sea-surface temperature anomalies sa mahahalagang monitoring regions.
Kaya naman inaasahan din ng WMO na lalakas pa ang El Niño sa Northern Hemisphere autumn at makaaapekto sa weather patterns sa iba’t ibang rehiyon. Inaasahan ding mananatiling mas mainit kaysa karaniwan ang equatorial Atlantic basin.
Maigting na rin ang pakikipag-ugnayan at koordinasyon ng WMO pagdating sa climate information services, at early warning support upang matulungan ang mga pamahalaan, humanitarian agencies, sektor ng agrikultura at kalusugan, at vulnerable communities na makapaghanda sa posibleng epekto ng El Niño.