Siniguro ng Quezon City Local Government ang agarang tulong sa pamilya ng 7-taong gulang na batang nasawi matapos mahulog at matangay ng malakas na agos ng tubig sa Dario Creek sa Barangay Bahay Toro.
Sa isang pahayag, nagpaabot ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan sa naiwang pamilya at tiniyak na magbibigay ito ng burial assistance, financial assistance para sa burol, livelihood assistance para sa mga magulang, at psychosocial support.
Kasunod naman ng insidente, muling nagbabala ang QCDRRMO sa mga residente ng Brgy. Bahay Toro na iwasan ang pagligo, pagtawid, at iba pang aktibidad sa mga ilog, sapa, at creek tuwing may malalakas na pag-ulan dahil sa panganib ng biglaang pagtaas ng tubig at malalakas na agos.
Hinimok din ang publiko na manatiling alerto at sundin ang mga babala at early warning advisories ng kanilang barangay para maiwasan ang pagkalunod at iba pang aksidenteng dulot ng masamang panahon.