natasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga Local Government Unit (LGU) na magpatupad ng Safer School Zones sa buong bansa upang mapalakas ang seguridad ng mga mag-aaral.
Bahagi ito ng hakbang ng pamahalaan laban sa krimen, karahasan, aksidente sa trapiko, at iba pang panganib sa paligid ng mga paaralan.
Ayon sa DILG, mahigit 277,744 barangay tanod mula sa 42,010 barangay ang pakikilusin bilang katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa mga school zone.
Inatasan ang mga LGU na tukuyin at tugunan ang mga panganib tulad ng mga delikadong kalsada, mabilis na takbo ng mga sasakyan, fire hazards, at iba pang banta sa mga mag-aaral.
Magsasagawa naman ang mga barangay tanod ng roving patrol, tutulong sa traffic management, at agad na mag-uulat ng mga insidente sa kinauukulang ahensiya.
Nilinaw ng DILG na mananatiling unarmed civilian community support actors ang mga barangay tanod at hindi papasok sa loob ng mga paaralan maliban kung may pahintulot o kung kinakailangan ang agarang pagtugon.