Humiling ng karagdagang pondo sa Kongreso ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU).
Ito’y para makumpleto na ang proseso ng decommissioning ng mga combatant ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos naman ang ganap na pagtatatag ng Bangsamoro Government.
Sa panayam kay Presidential Peace Adviser, Sec. Mel Senen Sarmiento, sinabi nito na lumiham na sila kina Senate President Sherwin Gatchalian at House Speaker Faustino Bodjie Dy III para sa naturang kahilingan.
Alinsunod aniya ito sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tapusin na ang final exit agreement upang ganap nang isulong ang ganap na kapayapaan at pag-unlad ng Mindanao.
Binigyang diin pa ng Kalihim, may mga maaari naman nang mapagkunan ng pondo batay sa ginawang pagbusisi ng Kongreso sa panukalang pambansang budget para sa susunod na taon.
Pagmamalaki pa ni Sarmiento, maganda ang ugnayan sa pagitan ng Pamahalaan at ng MILF matapos ang naging pagupulong nila Pangulong Marcos at MILF Peace Panel Chair Mohager Iqbal noong Nobyembre 4. Katunayan, sinabi ng Kalihim, hindi na counterpart kung ituring nila ang MILF bagkus ay mga partners for peace dahil sa maayos at magandandang idinudulot ng mga workshop na kanilang ginagawa.