Todo bantay ang Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) sa mga umuusbong na scam at pananamantala online ngayong holiday season, ngayong isang buwan na lamang bago ang Pasko.
Isa na rito ang online shopping scam kung saan nanghihikayat at nagbebenta ang mga scammer sa mga online platform ng mga gadgets, appliances, damit at iba pang pwedeng pang regalo sa murang halaga.
Ayon kay PNP ACG Spokesperson, PLtCol. Zyrah Joy Cabal, kapag kumagat ang mamimili sa presyong itinakda nito at nakapag bayad na, bigla na lang itong hindi magpaparamdam at magpapakita matapos makuha ang pera.
O di kaya nama’y, ibang bagay ang ipinadadala imbes na iyong napiling kagamitan ng umorder ang darating
Paalala ni Cabal, ugaliing doblehin ang pagbeberipika sa seller na iyong kausap at tingnan maigi kung ito ba ay may magandang review, may sapat na basehan at walang indikasyon ng mga panloloko.
Hindi rin sapat anila ang may star o badge ang nasabing shop upang isang maging lehitimong tindahan.
Kaya mahigpit na paalala ng ACG, huwag maakit basta basta sa mga nakikita online lalo na kung ito ay so good to be true upang hindi maging malungkot ang inyong pasko. Kung sakaling mabiktima ng mga ganitong uri ng pangloloko, agad i-report sa otoridad ang insidente upang agad maaksyunan at hindi na makapagsamantala pa ng publiko.