Nakatutok si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paghahanda ng iba’t-ibang tanggapan ng pamahalaan, kaugnay sa banta ng Super Typhoon Inday.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, pinasisiguro ni Pangulong Marcos Jr. ang plano at kagamitan ng bawat government agencies upang mabawasan ang epekto ng posibleng pananalasa ng bagyo.
Ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nagsagawa na ng paglilinis ng mga drainage at daluyan ng tubig sa Metro Manila.
Nakaantabay na rin aniya ang lahat ng 73 pumping stations para sa posibleng malalakas na pag-ulan.
Naka-preposition na rin aniya ang mga heavy equipment at iba pang kagamitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Cagayan Valley, kabilang ang mga dump truck, backhoe at chainsaw.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), mayroong higit 4.7 million family food packs na naka-preposition sa buong bansa.
Kabilang ang mahigit 217,000 food packs sa Cagayan Valley, kung saan 23,000, inilaan para sa Batanes.
Nakaalerto na rin ang Department of Health (DOH) matapos maglabas ng weather alert ang Health Emergency Management Bureau sa mga regional office at Centers for Health Development.
“Binigyang-diin ng DOH na naka-standby na ang kanilang contingency plan upang hindi maputol ang serbisyo ng pangkalusugan. Sa datos ng DOH, mayroong kabuuang 36.6 million pesos na halaga ng mga gamot, hygiene kit, at mga kagamitang panglinis na naka-preposition sa iba’t ibang lugar.” -Castro.
Habang itinaas na rin sa Code White ang alerto ng mga ospital sa ilalim ng DOH, at handa nang i-deploy ang mga Health Emergency Response Team at Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT) kung kinakailangan.
“Maliban sa mga ahensiya ng pamahalaan, si Pangulong Marcos Jr. mismo ay nakatutok din sa lagay ng panahon at sa magiging development nito sa susunod na mga araw. Paalala ng Pangulo sa taumbayan, maging alerto at palaging magbantay sa takbo ng panahon.” -Castro. | ulat ni Racquel Bayan