Magiging madugo lamang ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung hindi masasagot ang mga akusasyong kinahaharap nito, at kung hindi makukuha ng mga Pilipino ang katotohanan.
Pahayag ito ni Communications Usec Claire Castro makaraang ilarawan ni Vice President Sara Duterte ang impeachment proceedings bilang isang bloodbath, sa kaniyang pagharap sa media habang nasa senado kahapon.
“Feeling niya na bloodbath ito at alam naman natin na ito ang kaniyang hiniling; siya mismo ang nagnanais ng isang bloodbath. But, sa kaniyang maigsing salita kahapon ay wala pa rin tayong nadinig na pagtanggi sa mga akusasyon na ibinabato sa kaniya.” -Castro.
Ayon kay Castro, opiniyon ito ni VP Sara, at karapatan niyang ipahayag ang saloobin.
“Hinahayaan na lamang niya ang abogado niya at ito naman ay malamang na kanilang strategy at hindi pa naman talaga kinakailangan ang presensiya ng Bise Presidente sa nasabing hearing kahapon. Pero mas nanaisin siguro ng taumbayan na madinig mismo kay Bise Presidente ang pagtanggi ng mga akusasyon sa kaniya hindi lang puro technicalities ang ginagawang depensa.
Gayunpaman, magiging madugo lamang aniya ang proseso ng impeachment kung hindi malalaman ng publiko ang katotohanan sa mga reklamong ibinabato sa ikalawang pangulo. “Katulad ng sinabi sa Invictus, kung iyon po ang kaniyang iniisip at kaniyang opinyon ay hindi naman natin siya mapapahinto sa kaniyang pagsasalita patungkol dito. At magiging madugo talaga ito kung hindi makikita ng taumbayan ang katotohanan at iyan naman ang hinahanap ng ating mga kababayan – malaman ano ba talaga ang mga katotohanan sa mga ibinabato sa kaniya.” -Castro.