Binisita ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang itinatayong Malalag Municipal Fish Port sa Barangay Baybay, Malalag, Davao del Sur upang alamin ang progreso ng proyekto at ang magiging ambag nito sa pagpapalakas ng sektor ng pangisdaan sa bansa.
Ang mahigit ₱132.18 milyon na fish port project ay ipinatutupad sa pangunguna ng Philippine Fisheries Development Authority o PFDA. Kasalukuyang isinasagawa na ngayon ang Phase 2 ng proyekto at inaasahang makukumpleto sa buwan ng Pebrero, 2027.
Muli namang tiniyak ni Secretary Tiu Laurel ang patuloy na suporta ng Department of Agriculture sa pagpapalawak ng makabagong imprastraktura para sa sektor ng pangisdaan upang higit na mapakinabangan ng mga mangingisda at mga fish trader.
Kapag natapos ang proyekto, inaasahang mapapahusay nito ang pagdaong, pagbababa, paghawak, pag-iimbak at kalakalan ng mga huling isda. Layunin din nitong mabawasan ang post-harvest losses, mapanatili ang kalidad ng mga produktong pangisdaan, at mapalakas ang fisheries value chain sa Davao del Sur at mga karatig na baybaying komunidad. | ulat ni Sheila Lisondra | RP Davao
📷 Agri Info Davao