Tinatayang 3,000 residente ng Malabon ang nabiyayaan ng libreng tig-10 kilong bigas sa pagpapatuloy ng “Mula sa Puso para sa Pamilya” rice distribution initiative ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Pinangunahan nina First Lady Liza Araneta-Marcos, Malabon Mayor Jeannie Sandoval, at Metro Manila Council President at San Juan Mayor Francis Zamora ang pamamahagi ng bigas sa mga benepisyaryong senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at iba pang kabilang sa vulnerable sectors.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng Unang Ginang na ang huli niyang pagbisita sa Malabon ay para sa Lab for All program. Umaasa aniya siyang makatutulong ang ipinamamahaging bigas para mabawasan ang pasanin ng mga pamilya.
Ayon naman kay Mayor Sandoval, mahalaga ang matatag na ugnayan ng national at local government para mapalawak ang mga programang pang-food security at matiyak na mas marami pang pamilya ang naaabot ng tulong.
Bahagi ang programa ng Bawat Bayan Makikinabang Program sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF).
Mula nang ilunsad ang programa noong May 6, nakapamahagi na ang lungsod ng 15,799 rice packs, o halos 77% ng target na 20,629 benepisyaryo sa unang tranche.
Bago ang pamamahagi ng bigas, namigay rin ang lokal na pamahalaan ng hot meals sa mga residente at nagsagawa ng raffle, kung saan ipinamigay ang bigas, rice cooker, water filter, digibox, at isang smart TV.
Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo sa natanggap na tulong, at sinabing malaking ginhawa ito sa kanilang mga pamilya dahil may maihahain silang kanin sa kanilang hapag-kainan.