Upang makatulong sa pagpapaunlad sa industriya ng pagtatanim ng mais, namigay ng dagdag makinarya ang pamahalaan sa bayan ng Ubay sa lalawigan ng Bohol.
Sa pamamagitan ng Department of Agriculture Central Visayas, aabot sa ₱11.1 milyong piso na halaga ng pasilidad at makinarya ang iniabot sa Ubay CARP Beneficiaries Cooperative.

Kabilang sa iniabot na modernong kagamitan sa kooperatiba ang isang unit ng Corn Combine Harvester na nagkakahalaga ng 1.7 milyong piso, isang 9.4 milyong piso na Corn Post-Harvest Facility na kasama na ang warehouse, recirculating dryer, at delivery truck.
Saklaw ng Corn Post-Harvest Facility ang nasa 50 ektarya ng maisan kung saan ay kayang mapatuyo ang hanggang 8 tonelada o 120 na sako ng mais sa bawat harvest cycle.
Nais ng pamahalaan na mapalago ang produksyon ng mais sa Ubay at sa Bohol kung kaya ay iniabot ang mga nasabing kagamitan. Inaasahan ding makakatulong ito upang mabawasan ang post-harvest loss, gayunman ang pagpapaganda ng kalidad ng ani ng mais, at pagdagdag sa kita ng mga magsasakang miyembro ng Ubay CARP Beneficiaries Cooperative.
Pinangunahan ni DA 7 Regional Executive Director Angel Enriquez ang pag-aabot sa mga makinarya bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng mga inisyatiba ng pamahalaan para sa pag-unlad ng sector ng agrikultura sa rehiyon at sa buong bansa.
📷 DA 7