Inilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang Government Network (GovNet) sa Ilagan City, Isabela at ang Free Public Internet Access Program sa Cagayan Valley sa Region II.
Layon nito upang mapalakas ang internet connectivity at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan.
Pinangunahan ni DICT Secretary Henry Aguda ang paglulunsad ng programa kasama ang ilang government officials at lokal na pamahalaan sa Capital Arena sa Ilagan City.
Layunin ng GovNet na magbigay ng mas mabilis at mas ligtas na internet connection sa mga tanggapan ng gobyerno, paaralan, at mga pasilidad pangkalusugan upang mapahusay ang koordinasyon ng mga ahensya at serbisyo sa publiko.
Kasabay nito, pinalawak din ng DICT ang Free Public Internet Access Program sa Region II bilang bahagi ng programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang internet access at isulong ang digital transformation sa bansa.