Photo courtesy of Bureau of Immigration Facebook
Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong dayuhan sa magkakahiwalay na operasyon sa Rizal, Bohol at Baguio City dahil sa paglabag sa Immigration laws.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga naaresto na sina Cameroonian national Henri Joel Atanga Betayene, Turkish national Murat Fentci, at Italian national Mario Angelai.
Nahuli sina Betayene at Fentci dahil sa overstaying, habang inaresto si Angelai matapos umanong magtrabaho bilang chef sa isang restaurant kahit tourist visa lamang ang hawak nito.
Ayon kay Viado, mananatiling pinaigting ang intelligence operations laban sa mga dayuhang lumalabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa bansa.
Nasa kustodiya na ng BI ang tatlo at isasailalim sa deportation proceedings.