Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga pribadong kumpanya sa National Capital Region (NCR) na magsisimula na sa darating na Hulyo 25 ang pagpapatupad ng unang tranche ng P85 daily wage hike para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Sa isang pahayag, sinabi ni Labor Secretary Francis Tolentino na ang unang bahagi na nagkakahalaga ng PHP60 ay pormal nang iiral sa susunod na linggo. Ito ay matapos ang opisyal na publikasyon ng NCR Wage Order No. 27 noong Hulyo 9.
Ang kabuuang P85 na umento sa sahod ang itinuturing na pinakamalaking single daily wage adjustment na naaprubahan sa kasaysayan ng Metro Manila. Ang natitirang P25 para sa ikalawang tranche ay ipatutupad naman sa darating na Enero 20, 2027 upang makumpleto ang umento.
Kapag ganap nang naipatupad ang kautusan, aakyat na sa PHP780 ang daily minimum wage sa Metro Manila mula sa kasalukuyang rate.
Samantala, itatakda naman sa P743 ang arawang minimum wage para sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura, mga service at retail establishment na may 15 o mas kaunting empleyado, at mga manufacturing firm na may mas mababa sa 10 regular na manggagawa.
Nagbabala rin si Tolentino sa mga employer na may kaukulang parusa ang sinumang hindi susunod sa bagong wage order. Gayunpaman, tiwala ang kalihim na tatalima ang mga negosyo sa kalakhang Maynila.
“May mga parusa para riyan. Pero sa Metro Manila o NCR, ang compliance rate ay halos 94-95%. Agad naman itong sinusunod batay sa ating pagsubaybay sa mga nakaraang wage hike noong nakaraang taon,” ani Tolentino.
Hinimok din ng pinuno ng DOLE ang paggamit ng Collective Bargaining Agreements (CBA) upang maayos ang posibleng “wage distortion” o ang pagliit ng agwat sa sahod ng mga empleyadong sumasahod nang higit sa minimum wage.
Idinagdag ng departamentong kasalukuyan pa ring gumagalaw ang proseso ng wage adjustment sa iba pang rehiyon sa bansa habang patuloy ang rebyu at konsultasyon ng kani-kanilang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.