Naghain sina Senadora Risa Hontiveros at Senador Ping Lacson ng magkahiwalay na resolusyon na naglalayong imbestigahan sa Senado ang hindi patas na mga polisiya sa proteksyon ng mga konsyumer at ang patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente sa bansa.
Sa Senate Resolution No. 509, hiniling ni Hontiveros ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga patakaran ng Energy Regulatory Commission (ERC) kaugnay ng maling meter readings at kuwestiyonableng mga bayarin sa kuryente.
Binanggit ni Hontiveros ang mga reklamo ng mga kabahayang nakatanggap ng labis na mataas na singil dahil sa maling pagbabasa ng metro.
Sa ilalim, aniya, ng advisory ng ERC, pinapayuhan ang mga konsyumer na bayaran muna ang kuwestiyonableng bill upang maiwasan ang posibleng pagkaputol ng serbisyo habang dinidinig ang kanilang reklamo.
Iginiit ni Hontiveros na kinakailangang repasuhin at amyendahan ang Magna Carta for Residential Electricity Consumers upang matiyak na hindi mapipilitang magbayad ang mga konsyumer ng maling singil para lamang maiwasan ang abala o pagkaputol ng serbisyo.
Samantala, sa Senate Resolution No. 511, hiniling naman ni Lacson ang isang Senate inquiry, in aid of legislation, kaugnay ng patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente, mga reklamo ng “bill shock,” at mga isyu sa system loss charges na umano’y ipinapasa sa mga regular na nagbabayad na konsyumer.
Ayon kay Lacson, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na residential electricity rates sa Southeast Asia, na pumapangalawa lamang sa Singapore sa halaga ng kuryente kada kilowatt-hour.
Binanggit din ng senador ang mga ulat ng malalaking pagtaas sa singil ng mga customer ng Meralco sa nakalipas na mga buwan, gayundin ang pag-apruba ng ERC sa pagbawi ng mahigit ₱31 bilyong gastos ng
Meralco at ilang power generation companies dahil sa iba’t ibang pagbabago sa kanilang operasyon. Ilan din sa mga nais siyasatin ni Lacson ang system loss charges, kabilang ang mga gastos na dulot ng electricity pilferage, illegal connections, at meter tampering.