Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) katuwang ang Anti-Cybercrime Group (ACG) ang kampanya laban sa mga online bomb threats.
Ayon sa PNP, walong kaso na ang naipasa sa korte matapos ang cyber investigations na isinagawa ng ACG mula noong January 2026.
Kabilang sa pinakahuling insidente ang naitala noong July 8 sa Cavite, kung saan nagdulot ng pangamba sa mga estudyante, magulang, at mga opisyal ng paaralan ang mga social media post na nagsasabing may mga pampasabog sa ilang paaralan.
Sa isinagawang digital investigation, natukoy ng mga awtoridad ang social media account ay pinatatakbo umano ng mga menor de edad.
Sa ngayon, isang menor de edad ang nahaharap sa kaukulang legal na proseso, habang ang isa pa ay dinala sa rehabilitation facility para sa kinakailangang intervention.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi biro ang online bomb threats dahil nagdudulot ang mga ito ng takot at pagkaantala sa klase, trabaho, at iba pang serbisyo.
Aniya, patuloy ding pinalalakas ng PNP ang cyber capabilities nito upang matukoy ang mga nasa likod ng ganitong mga insidente.
Hinikayat naman ng PNP ang publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at agad na iulat sa mga awtoridad ang online bomb threats sa halip na ipakalat ang mga hindi beripikadong impormasyon. | ulat ni Diane Lear