Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa mga residente, partikular na sa mga nakatira malapit sa baybayin, na manatiling alerto matapos maitala ang isang earthquake swarm o sunod-sunod na pagyanig sa karagatan ng lalawigang ito.
Ayon sa ulat ng Department of Science and Technology (DOST)-Phivolcs nitong Martes, umabot sa 54 na pagyanig ang naitala sa baybayin ng Claveria mula alas-8:52 ng umaga noong Hulyo 13 hanggang alas-4:00 ng hapon noong Hulyo 14.
Sa mga naitalang lindol, lima ang naramdaman sa Intensity V batay sa Earthquake Intensity Scale ng ahensya. May lakas na Magnitude 1.6 hanggang 5.4 ang mga pagyanig, na nagmula sa lalim na 1 hanggang 45 kilometro.
Ipinaliwanag ng Phivolcs na ang earthquake swarm ay serye ng mga lindol na magkakalapit sa isang lugar at panahon nang walang malinaw na pattern. Kakaiiba ito sa karaniwang lindol kung saan may isang malakas na mainshock na sinusundan ng mga aftershock. Ang ganitong serye ay maaaring magpatuloy sa loob ng ilang araw, linggo, o mas matagal pa, at maaari o hindi magdulot ng mas malakas na lindol.
Bagama’t walang katiyakan kung hahantong ito sa mas malaking sakuna, pinaalahanan ng Phivolcs ang publiko na maging handa. Pinayuhan ang mga residente na kabisaduhin ang pinakaligtas at pinakamabilis na daan patungong evacuation route, maghanda ng emergency supply kit, at laging tandaan ang “duck, cover, and hold” kapag lumilindol.
Para naman sa mga komunidad sa tabing-dagat, binigyang-diin ng ahensya ang mga likas na palatandaan ng posibleng tsunami gamit ang “Shake, Drop, and Roar”:
- Shake: Malakas at matagal na pagyanig ng lupa.
- Drop: Hindi karaniwang pagbaba o pagkurti ng tubig-dagat.
- Roar: Malakas at dumuququng na tunog mula sa karagatan.
“Kung mapansin ang alinman sa mga palatandaang ito, agad na lumikas patungo sa mas mataas na lugar,” panawagan ng Phivolcs.
Nanawagan din ang ahensya sa publiko na sumunod sa mga arahe at direktiba ng kanilang lokal na pamahalaan (LGU) at tumutok lamang sa mga opisyal na anunsyo mula sa DOST-Phivolcs. Tiniyak ng pamunuan na patuloy nilang babantayan ang aktibidad ng mga lindol sa lugar at maglalabas ng mga updates sa kanilang website at opisyal na social media accounts.