Todo ang suporta ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa mga pinakabagong reporma sa housing loan ng Pag-IBIG Fund, na naglalayong gawing mas madali at abot-kaya ang pagkakaroon ng sariling tahanan para sa mas maraming Pilipino.
Sa ilalim ng bagong programa, naglunsad ang Pag-IBIG Fund ng promotional interest rates na mababa pa sa 4.5 porsyento para sa economic housing. Bukod dito, itinaas din ang maximum loan amount o ang pinakamataas na halagang maaaring hiramin hanggang P10 milyon.
Mananatili naman sa pinakamababang tatlong porsyento ang interest rate para sa mga socialized housing projects sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program, ang pambato at pangunahing pabahay ng pamahalaan.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, ang hakbang na ito ay parang “hitting many birds with one stone” o pagresolba sa maraming usapin sa isang pasada lamang.
“Pasisiglahin nito ang ekonomiya sa sektor ng pabahay at real estate; palalakasin ang pagsisikap ng gobyerno na matugunan ang kakulangan sa pabahay nang hindi nabibigatan ang kaban ng bayan; itataas ang benta ng mga pribadong developer; at higit sa lahat, makabubuti ito sa mga mamimili dahil mas marami silang pagpipiliang financing schemes at uri ng pabahay,” pahayag ni Aliling sa isang news release nitong Martes.
Upang mas mapadali ang pag-apruba, niluwagan din ng Pag-IBIG ang mga patakaran nito: maaari nang pagsamahin ng hanggang tatlong nangungutang ang kanilang kita sa ilalim ng iisang loan account. Nagsimula na rin ang pondo na mamuhunan sa mga kilala at kagalang-galang na kumpanya sa konstruksyon upang suportahan ang pagtatayo ng mas marami pang socialized projects.
Ayon sa DHSUD, ang mga hakbang na ito ay naglalayong maabot ang mas maraming Pilipino — mula sa mga minimum wage earners hanggang sa middle-income families. Alinsunod din ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang access sa disente at abot-kayang pabahay, kasama na ang mga nasa informal sector at working class.
Nakatutulong din ang mga repormang ito para patatagin ang Expanded 4PH program dahil nababawasan ang pagdepende nito sa pondo ng pamahalaan.
“Malinaw ang direktiba ni Pangulong Marcos Jr. — mas palawakin pa ang Expanded 4PH upang mas maraming pamilyang Pilipino ang matulungan na makamit ang pinapangarap na tahanan na ligtas, disente at abot-kaya,” pagtatapos ni Aliling.