Inaanyayahan ang lahat ng Filipino student filmmakers na lumahok sa MMFF Student Short Film Competition 2026, sa pangunguna ng Metro Manila Film Festival (MMFF) katuwang ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) at Film Academy of the Philippines (FAP).
Layunin ng kompetisyon na bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na maipamalas ang kanilang husay sa paggawa ng pelikula sa temang “Paskong Pilipino, Pasko sa Atin.”
Hinihikayat din ang mga kalahok na palawakin ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng pagdiskubre sa iba’t ibang genre at mga makabagong paraan ng pagkukuwento.
Ang mapapabilang sa 16 semifinalists ay tatanggap ng PHP20,000 script development grant at sasailalim sa story development workshop. Mula sa kanila, pipiliin ang 8 finalists na makatatanggap ng PHP50,000 production grant, filmmaking workshop, at pagkakataong maipalabas ang kanilang mga obra kasabay ng official entries ng MMFF 2026.

Samantala, ang tatanghaling Best Student Short Film ay mag-uuwi ng PHP100,000 cash prize sa MMFF Awards Night.
Maaaring mag-register ang mga interesadong kalahok sa pamamagitan ng pag-scan ng QR code o pag-access sa Google Form na makikita sa opisyal na MMFF Facebook page. Mananatiling bukas ang registration hanggang August 31, 2026.