Naniniwala si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na maihahalintulad sa mga akda ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. laban sa mga sangkot sa mga maanomalyang flood control projects sa kanyang 2025 State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Remulla, ang sinabi ng Pangulo na “Mahiya naman kayo” ay gaya ng mensaheng hatid ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo—mga akdang humimok sa taumbayan na tuldukan ang pang-aabuso sa pamahalaan. Kaya naman pinaiigting din ng Office of the Ombudsman ang mga imbestigasyon upang matiyak na mananagot sa batas ang sinumang mapatutunayang nasa likod ng mga katiwalian.
Kaugnay nito, inanunsyo rin ni Remulla na muling bubusisiin ng kanyang tanggapan ang umano’y mga anomalya sa 2019 Southeast Asian Games, kabilang ang mga isyu sa project bidding at ang kontrobersyal na kalderong nagkakahalaga ng ₱50 milyon.
Posible rin umanong ipatawag si Senador Alan Peter Cayetano, na noo’y chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee.
