Magiging bahagi sa nagpapatuloy na trial sa International Criminal Court ang 539 na kaanak ng mga umano’y biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon sa isang trial brief na ipinasa ng kanilang common legal representative noong October 13 sa ICC, layunin ng kanilang partisipasyon na ipakita kung paano kinaharap ng mga naulilang pamilya ang kanilang pangungulila, kahirapan, hindi naipagpatuloy na pag-aaral, maging ang takot.
Inilarawan din ng 108 pages kung paano rin kinaharap ng mga naulilang pamilya ang psychological distress at ang kakulangang pinansyal matapos masawi ang kanilang kaanak sa EJK sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon sa representatives, halos 190 naman sa mga nasawi o subjected to attempted killing ay breadwinners, habang ang iba sa kanila ay kumikita lamang ng P100 kada araw, bago sila masawi. Lahat ng 539 na biktima ay nagpahayag ng pagkakaroon ng psychological harm, kabilang ang matinding pighati, pagkabalisa, galit, kalungkutan, takot, kawalan ng pag-asa, at social isolation.