📷 DSWD
Tatanggap ng karagdagang tulong mula sa Martes, Hulyo 21, ang 7.5 milyong kabahayang natukoy bilang mga benepisyaryo ng bagong cash aid sa ilalim ng pinalawak na programang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT).
Hinati ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisyaryo sa tatlong grupo.
Ang Group 1 ay binubuo ng 3.5 milyong pamilyang kasali sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program (WGP) ng DSWD.
Kabilang sa Group 2 ang 2.5 milyong kabahayan na hindi nakatala sa 4Ps ngunit itinuturing na mahirap at malapit sa kahirapan (near-poor) batay sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang Group 3 ay binubuo ng 1.5 milyong pamilyang mababa ang kita at miyembro ng Social Security System (SSS).
Makatatanggap ang Group 1 ng minsang tulong P2,000 sa pamamagitan ng kanilang ATM bank account.
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na dahil direktang i-de-deposito ang pera sa account ng mga benepisyaryo, matatapos na sa Martes ang pamamahagi ng tulong para sa grupong ito.
“Para sa group number 2, sisimulan na natin ang manual payout, validation, at enrollment ng kanilang mga digital account. Simula sa susunod na linggo ay magsisimula na rin [ang buwanang payout para sa group 2],” pahayag ni Gatchalian noong Hulyo 17 sa isang joint press conference kasama ang Social Security System at ang Department of Economy, Planning, and Development.
“Ganun din next week tapos na ‘yung group 3,” ayon kay Gatchalian.
Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalawak ng tulong sa UPLIFT noong Hunyo 16 bilang bahagi ng patuloy na mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng matagal na krisis sa Middle East sa mga vulnerable sectors.
“Pinalawak natin ang suportang ito sa pamamagitan ng UPLIFT Assistance. Sa ilalim ng programang ito, mabibigyan ng agarang tulong ang 7.5 milyong kabahayan o 37.5 na milyong Pilipino sa buong bansa,” sabi ni Pangulong Marcos sa isang video message.
Paliwanag ni Gatchalian, na bibigyan ng minsang payout na P2,000 sa mga kasali sa 4Ps at WGP bilang dagdag sa regular na tulong na kanila nang tinatanggap.
Ang mga near-poor at low-income groups ay tatanggap ng P2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre para maiwasan na sila ay bumaba sa poverty threshold, sabi ni Gatchalian.
“Yung lagi nating naririnig— ‘yung sa one sickness away to poverty, one death away to poverty. In this case, one energy emergency away to poverty. Hinanap na natin sila gamit ang talaan ng CBMS ng PSA,” sabi ni Gatchalian.
Base sa datos ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) mahigit 14 milyong Pilipino ang itinuturing na mahirap, na inaasahang hihigit sa 16 milyon kung walang interbensyon ng gobyerno.
“We are trying to protect the most vulnerable of our society para masigurado natin that the gains this past 4 years, bago mangyari itong energy emergency, ay … hindi mabura,” sabi ni Gatchalian.
Kabilang sa tulong pinansyal ang 70 porsiyento ng poor sector, 94 porsiyento ng near poor, 36 porsiyento ng mga mababa ang kita, at 10 porsiyento ng mga lower-middle-income earners.
Ibinatay ng gobyerno ang mga halaga ng payout sa mga pag-aaral na isinagawa ng Asian Development Bank (ADB). Ipinakita ng pag-aaral na dahil sa energy emergency ay nabawasan ng P790 bawat isa ang purchasing power ng mga mahihirap. Ang nasa low-income group ay nawalan ng P1,094 bawat isa.
“For the lowest decile, ‘yung pinakamahihirap, 790 pesos ang nawawala. Binigyan natin sila ng tigda-dalawang libo, [kaya] from negative purchasing power, magiging positive 270 pesos. Napalitan natin. Pagdating naman sa second lowest decile, sa kanila nakatuon ang design kasi malaki ang nawawala sa kanila. Sa 2,000 pesos, maco-compensate power natin sila at madadagdagan [and purchasing power nila] ng 627 pesos],” paliwanag ni Gatchalian.
“Theoretically, walang magugutom [at] hindi mababawasan ang purchasing power nila kasi [the] government restored it,” dagdag niya.
Ang cash assistance ay isa lamang sa mga interbensyon ng gobyerno sa ilalim ng mas malawak na programa ng UPLIFT.