Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang ibibigay ng kaukulang seguridad sa mano-manong pamamahagi ng tulong-pinansyal para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ito ayon sa PNP ay sa ilalim ng mas pinalawak na Unified Package for Livelihood, Industry, Food and Transport (UPLIFT) program, na umarangkada na ngayong linggo.
Kaugnay nito, inatasan ni PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng kinauukulang yunit ng pulisya na palakasin ang deployment sa mga lugar ng pamamahagi ng ayuda, para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa pagsasagawa ng payout.
Target ng PNP ang maayos at episyenteng pamamahagi ng ayuda sa mga karapat-dapat na benepisyaryo nito sa buong bansa, salig na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Una nang sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang pinalawak na UPLIFT program ang susunod na yugto ng tulong-pinansyal para sa mga mamamayang naapektuhan ng krisis sa enerhiya na dulot ng sitwasyon sa Gulf region.