📷 DMW
Binisita ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) noong Hulyo 23, 2026 ang naulilang pamilya ng isang Pilipinong seafarer na namatay kasunod ng mga pag-atake sa mga komersyal na barko sa Black Sea.
Personal na nagtungo ang koponan ng DMW sa lalawigan ng Antique upang ipaabot ang pakikiramay at ang mensahe ng simpatiya mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ari ako diri sa ngalan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. agud magpahayag sang pag-unong sa inyo kalisud kag magpasiguro nga kami magaatipan sang inyo kinahanglanon (Nandito ako sa ngalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang magpahayag ng pakikiramay sa inyong pighati at tiyakin na aalagaan namin ang inyong mga pangangailangan),” pahayag ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa pamilya ng biktima.
Tiniyak ni Sec. Cacdac na tutulungan ng pamahalaan ang pamilya sa pagpapauwi o repatriation ng labi ng nasawing seafarer.
Inatasan din ng kalihim ang licensed manning agency ng seafarer na makipag-ugnayan sa pamilya upang talakayin ang mga benepisyo at kompensasyon sa ilalim ng kontrata nito sa trabaho, pati na rin ang pag-aayos sa status ng self-allotment ng biktima.
Pinayuhan ng DMW ang pamilya na kumonsulta muna sa kanila at sa OWWA bago pumirma ng anumang dokumento. Isasagawa ang pagpirma sa Maynila sa harap ng mga kinatawan ng manning agency, DMW, at OWWA.
Magkakaloob din ang DMW ng tulong sa edukasyon ng mga anak ng seafarer, habang ang OWWA naman ang mamamahala sa pagtulong sa mga gastusin at pagsasaayos ng burol.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang live-in partner ng nasawing seafarer sa mabilis na pag-alalay ng pamahalaan. “Salamat guid (Maraming salamat),” aniya.