Photo courtesy of Senate of the Philippines
Suportado ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ang 13 panukalang batas na naglalayong magtatag, mag-upgrade, at mag-renationalize ng mga pampublikong ospital sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography, kasama ang iba pang komite, hiniling ni Sotto na maging co-sponsor ng mga panukalang batas.
Aniya, mahalagang mapalawak ang kapasidad ng mga ospital upang matugunan ang dumaraming bilang ng mga pasyente at mabawasan ang kakulangan sa hospital bed.
Anim sa mga panukala ang naglalayong magtayo ng mga bagong ospital sa Zambales, Davao de Oro, Zamboanga Sibugay, Capiz, at Bukidnon.
Samantala, pitong umiiral na ospital sa Agusan del Norte, Bukidnon, Capiz, at Romblon ang isinusulong na ma-upgrade at mailipat sa pamamahala ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng renationalization.
Nagpasalamat naman si Senate Committee on Health and Demography Chairperson Senator Risa Hontiveros sa suporta ni Sotto at ikinatuwang maging co-sponsor ito ng mga panukala.
Binigyang-diin ni Hontiveros na hindi sapat ang pagpasa ng batas upang matiyak ang maayos na operasyon ng mga bagong pampublikong ospital sa bansa.
Sa kanyang closing statement sa pagdinig ng Senate Committee on Health, sinabi ng senadora na kailangang may malinaw na pangangailangan, sapat na pondo, maayos na transisyon, at malinaw na papel ang bawat ospital sa referral network ng DOH. Inatasan din ng senadora ang Committee Secretary na bumuo ng Technical Working Group (TWG) upang repasuhin ang mga panukala at ihanda ang mga kinakailangang committee report.