Nai-turn over na ni Senador Ping Lacson at ng kanyang team ang mga ebidensyang kanilang nakalap tungkol sa mga sinasabing maanomalyang infrastructure project sa Taguig City.
Sa isang social media post, sinabi ni Lacson na kaninang umaga ay naibigay nila sa Office of the Ombudsman ang mga documentary at testimonial evidence.
Ayon sa senador, layunin nitong magsilbing batayan para sa further evaluation at motu proprio investigation ng Ombudsman.
Kabilang sa mga isinumite nila ang mga official record mula sa mga government website, habang ang iba naman ay ibinigay ng mga mapagkakatiwalaang source.
Naniniwala si Lacson na posibleng sapat na ang mga ebidensyang ito upang makapaghain ng mga kasong plunder, malversation, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Iginiit ni Lacson na mas malala ang mga natuklasan nilang iregularidad sa Taguig kumpara sa mga nauna nilang iniulat na kuwestiyonableng flood control project sa Bulacan.
Kabilang aniya sa mga natuklasang iregularidad ang pagpapanggap ng isang ilegal na reclamation project bilang slope protection structure, pagkakaroon ng mga ghost project, dobleng appropriation ng pondo, at paggamit ng mga lumang larawan ng mga natapos nang proyekto upang masingil ang mga bagong kontrata.
Ayon pa sa senador, mula 2020 hanggang 2025 ay umabot na sa P14.4 bilyon ang halaga ng mga infrastructure project sa Taguig.
Sinabi rin ni Lacson na magpapatuloy ang kanilang pagsusumite ng iba pang ebidensya upang makatulong sa imbestigasyon ng Ombudsman laban sa katiwalian.