Suportado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtayo ng Philippine Spaceport at paglulunsad ng rocket sa susunod na taon.
Sa pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesperson Colonel Francel Padilla na makatutulong ito sa pagpapalakas ng kakayahan ng bansa sa national defense, disaster response at maritime security.
Sinabi ni Padilla na nakaayon ang naturang inisyatiba sa AFP Modernization Program. Bahagi rin aniya ng plano ang pagtatatag ng AFP Space Center na magsisilbing pundasyon ng isang Space Command.
Dagdag pa ni Padilla, palalawakin ng AFP ang paggamit ng space-based technologies at geospatial intelligence upang mapahusay ang situational awareness at mission effectiveness ng Sandatahang Lakas.
Patuloy din aniya ang pakikipagtulungan ng AFP sa Philippine Space Agency at Department of Science and Technology kaugnay sa naturang usapin. | ulat ni Diane Lear