Inihayag ng Senate Impeachment Court na natanggap na nito ang manifestation ng House prosecution panel na pumapayag sa article-by-article na presentasyon ng ebidensya sa impeachment proceedings ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate Impeachment Court spokesperson Atty. Reginald Tongol, sa ilalim ng mungkahing ito, magpapresenta muna ang prosecution kaugnay ng isang article of impeachment, susundan agad ito ng presentasyon ng depensa, bago lumipat sa susunod na article of impeachment.
Aniya, hindi na ipatutupad ang naunang kaayusan kung saan ilalahad muna ng prosecution ang lahat ng articles of impeachment bago pa lamang magsimula ang presentasyon ng depensa.
Gayunman, sinabi ni Tongol na wala pa silang natatanggap na pormal na manifestation mula sa defense team ni VP Sara kung pumapayag din ito sa nasabing kaayusan.
Dahil dito, hindi pa matiyak kung itutuloy o kakanselahin ng Presiding Officer ang nakatakdang pagdinig bukas, sakaling magkasundo ang magkabilang panig sa bagong pagkakasunod-sunod ng presentasyon ng ebidensya.
Ipinaliwanag ni Tongol na kung maaaprubahan ang article-by-article na presentasyon, maaaring mabago ang iskedyul ng pagdinig.
Sa halip na ituloy ang presentasyon para sa Article 1, posibleng ipagpaliban ito at unahin ang presentasyon ng depensa kaugnay ng Article 4, depende sa magiging kautusan ng Presiding Officer.