Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 4A ang tatlong lalaki sa Sitio Cubao, Barangay Kabulusan, General Emilio Aguinaldo, Cavite.
Ito ay matapos maaktuhang minamanipula ang electric meter ng Manila Electric Company (MERALCO).
Nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng reklamo ang MERALCO na nag-aalok umano ang mga suspek ng “electric meter tampering services with device” sa halagang P15,000.
Ayon sa CIDG, nahuli ang mga suspek habang naglalagay ng resistor device sa electric meter upang manipulahin ang recording mechanism nito at mapababa ang naitatalang konsumo ng kuryente.
Nakumpiska sa operasyon ang hinihinalang tampered electric meter, resistor device at iba pang kagamitang ginagamit umano sa electric meter tampering.
Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7832 o Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994. | ulat ni Diane Lear