Ikinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) ang pagsusuot ng mga pulis ng mas magaan at mas malamig na kasuotan, kasabay ng inaasahang matinding init dulot ng very strong El Niño.
Bahagi ito ng mga hakbang ng pamunuan ng PNP para sa kapakanan ng mga tauhan nito.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PCOL Allen Rae Co na pinag-aaralan na ng Pambansang Pulisya ang pagsusuot ng mga pulis ng “lighter wear.”
“Ang atin pong leadership is already studying other mitigating efforts that we can do, including, but not limited to, puwedeng lighter wear ng ating mga personnel. This is a personnel welfare na puwedeng baka magsuot tayo ng mas magaan or malamig na kasuotan para sa ating welfare din ng ating mga personnel,” ani Co.
Ayon kay Co, kabilang din sa mga pinag-aaralan ang pagbabawas sa exposure ng mga pulis sa matinding init, hangga’t pinapayagan ng kanilang operational guidelines.
Nagsimula na rin aniya ang pagtitipid ng tubig sa hanay ng PNP, gaya ng pag-iwas sa hindi kinakailangang paghuhugas ng mga sasakyan.
Nakahanda na rin ang PNP sa mga plano para sa anumang epekto na maaaring idulot ng very strong El Niño.
Nagbabala naman si Co na gagawin lahat ng hakbang ng PNP laban sa water hoarding o labis na pag-iimbak ng tubig.