Binigyang-diin ni House prosecution legal adviser at private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr. na hindi masasayang ang mga ebidensyang iniharap ng prosecution kaugnay ng tatlong binawing articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Tolosa, maaari pa ring gamitin ng Department of Justice o ng Office of the Ombudsman ang mga testimonya at dokumentong inilahad sa impeachment trial sa mga nakabinbing kasong kriminal na may kaugnayan sa mga alegasyon.
Kabilang dito ang mga usapin sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at grave threats.
Kaya naman maaari pa rin aniyang managot si Duterte sa mga alegasyong saklaw ng mga binawing artikulo sa pamamagitan ng hiwalay na mga kasong kriminal.