Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakahanda na ang kanilang mga tauhan at kagamitan para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan na bibiyahe patungo sa mga probinsya ngayong Undas.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, itataas sa alert status ang lahat ng operating units ng Coast Guard mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Aabot sa halos 17,000 tauhan ang ide-deploy sa buong bansa, kasama ang mga floating asset at Deployable Response Group na binubuo ng mga rescue personnel, medic, at nurse na tutugon sa mga posibleng emergency.
Ipuwesto rin sa mga pangunahing pantalan ang mga K9 unit ng Coast Guard para sa inspeksiyon at seguridad, upang matukoy at masabat ang mga ipinagbabawal na bagay sa mga bagahe, partikular ang mga paputok.
Maglalagay din ng Passenger Assistance Desk sa lahat ng pantalan sa bansa upang umalalay sa mga biyahero, katuwang ang Philippine Ports Authority, Philippine National Police, at iba pang law enforcement unit.