Timbog sa ikinasang buy-bust operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 1 aktibong pulis at 1 dating sundalo dahil sa umano’y iligal na pagbebenta ng mga baril at bala sa Brgy. Puelay, Villasis, Pangasinan kahapon ng hapon
Sa ulat ng Police Regional Office 1 sa Kampo Crame, may ranggong Police Chief Master Sergeant ang aktibong pulis at nakatalaga sa Cuyapo Municipal Police Station sa Nueva Ecija, habang ang isa pa ay dating miyembro ng Philippine Army.
Nasamsam sa operasyon ang isang Bushmaster 5.56-millimeter rifle, isang caliber .45 pistol, mga magazine, bala at boodle money na ginamit sa transaksiyon.
Narekober din sa body search sa pulis ang isang Glock 17 na 9-millimeter pistol na PNP issued firearm, kasama ang magazine at mga bala.
Nahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nasa kustodiya na ng CIDG Pangasinan ang mga suspek para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.