Pinuri ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga tauhan ng Regional Maritime Unit ng Police Regional Office 7 sa Central Visayas.
Kasunod ito ng matagumpay na pagliligtas sa isang 14-anyos na Grade 8 student na nagtangkang tumalon mula sa Marcelo Fernan Bridge sa Cebu City.
Ayon kay Nartatez, inatasan na niya ang Police Regional Office 7 na makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang magsagawa ng counseling para sa estudyante at sa mga magulang nito.
Nag-ugat ang operasyon nang makatanggap ang pulisya ng tawag mula sa Metro Cebu CCTV monitoring tungkol sa isang menor de edad na umakyat sa guardrail ng Marcelo Fernan Bridge kahapon ng hapon.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Regional Maritime Unit upang magbigay ng tulong, na nagresulta sa matagumpay na pagsagip sa estudyante.
Iniugnay rin ni Nartatez ang matagumpay na operasyon sa mahusay na koordinasyon at maayos na komunikasyon sa lokal na pamahalaan.