Nagpapatuloy ang paggulong ng mga reporma sa Department of Public Works and Highways (DPWH), upang maisulong ang integridad at pagiging episyente ng tanggapan at mga proyekto nito.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. malaking tulong sa hakbang na ito ang mga bagong graduates na kinuha ng pamahalaan, upang maisulong ang tuwid na pamamalakad sa tanggapan.
“Ang reporma sa DPWH ay nagsimula na. Nagpasok tayo ng mga bagong graduates, kasama na ang mga tuwid at maaasahang mga job order at contract of service,” -Pangulong Marcos Jr.
Sabi ng pangulo, higit sa flood control projects, sisiguruhin ng DPWH na ang mga kontrata at proyektong papasukin nito ay dadaan sa masusing paga-aral, mula sa pagpa-plano hanggang sa presyo at aktwal na implementasyon ng mga proyekto.
“Para walang overpricing, sinigurado natin na ang mga materyales ay ayon sa presyo sa merkado,” -Pangulong Marcos Jr.
Pagsisiguro ni Pangulong Marcos sa publiko, bawat proyekto na paglalaanan ng pondo ay babantayang mabuti sa pamamagitan ng Transparency Portal, Integrity Chain, at sa pakikipagtulungan ng Civil Society Organizations (CSOs). “Bantay-sarado ang bawat proyekto at ang nakalaang pondo sa Transparency Portal, Integrity Chain, at katuwang na mga Civil Society Organization,” -Pangulong Marcos Jr.